Pinakakansela na ni House Speaker Faustino Dy III sa Department of Justice (DOJ) ang passport ni dating Cong. Elizaldy Co.
Ayon kay Speaker Dy, mula nang matanggap ng Kamara ang irrevocable resignation ni Co, ay agad siyang nakipag-ugnayan kay dating Justice Secretary at ngayo’y Ombudsman Jesus Crispin Remulla upang hilingin ang agarang pagkansela sa pasaporte ng kongresista upang limitahan ang paggalaw nito sa gitna ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga proyekto ng imprastraktura.
Ipinaliwanag ng lider ng Kamara na bagaman ang DOJ ang nangangasiwa sa Bureau of Immigration, ang Department of Foreign Affairs (DFA) pa rin ang may kapangyarihang kanselahin ang passport ni Co.
Ipinaliwanag ni Dy na dumulog sila sa DOJ para sa mabilisan at tamang koordinasyon, at upang magkaroon ng wastong hakbang o proseso para sa agarang pagkansela ng passport ni Co.
Bilang tugon, tiniyak naman ni Remulla na agad nilang ipatutupad ang hiling ng Kamara o gagawin ang pinakamabilis na paraan para sa pagkansela ng pasaporte ng kongresista.
Sakaling bumalik si Co sa Pilipinas, ipinaliwanag ni Speaker Dy na ang DOJ at ICI o Independent Commission for Infrastructure ang posibleng humawak sa kaso kaugnay ng iregularidad sa infrastructure at flood control projects.