Iba kung alagaan at bigyan ng atensyon ng mga magulang ang kanilang mga anak lalo na kapag wala pang muwang ang mga ito sa mundo. Kung kaya nga hindi na nakakapagtaka na natuliro ang isang nanay mula sa Australia nang bigla na lang mawala ang kaniyang anak na iwanan sa pangangalaga ng daycare center matapos sunduin ng isang estranghero.
Kung naibalik ba nang ligtas ang bata, eto.
Nagulat na lang ang isang hindi pinangalanang nanay nang madiskubreng nawawala na pala ang isang taong gulang niyang anak matapos itong iwanan sa child care center sa Bangor’s First Steps Learning Academy na matatagpuan sa Australia.
Ito’y matapos nagkamaling maibigay ang kaniyang anak sa isang lolo na nakatakdang sunduin ang sarili nitong apo sa nasabing daycare center.
Ayon naman sa asawa ng lolo, hindi nito agad na napansin na maling bata ang kaniyang nasundo, lalo na at kaparehas nito ng buhok ng kanilang apo. Madilim din umano ang kwarto sa center at kapwa natutulog ang mga bata nang dumating doon ang lolo.
Pero nilinaw naman ng nanay ng bata na wala siyang nararamdamang galit sa lolo na nagkamaling sunduin ang kaniyang anak, at tanging ang day care center lang umano ang sinisisi ng mga ito sa insidente.
Samantala, nagbigay naman ng pahayag ang Bangor’s First Steps Learning Academy kung saan inamin nila na hindi nasunod ang kanilang standard protocol sa paghahatid at pagsusundo sa mga bata kung kaya nangyari ang insidente.
Humingi na rin sila ng paumanhin dahil sa idinulot nitong stress sa mga magulang at nilinaw na wala na sa serbisyo ang involved na daycare worker.
Gayunpaman, ligtas namang naibalik ng lolo ang bata sa daycare center pagkalipas ng dalawang oras. Hindi na rin nagsagawa pa ng criminal investigation ang kapulisan pero siniguro pa rin ng NSW Early Childhood Education at Care Regulatory Authority na susuriin nila ang insidente.
Sa mga empleyado diyan, maging mas maingat at huwag lang sarili ang isipin dahil buhay ng ibang tao ang nakataya ano pa man ang trabaho mo.