Pinaiimbestigahan ni Senador Robin Padilla ang sinasabing pagtatalaga kay dating Senador Antonio Trillanes upang magsagawa ng welfare check kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa detention facility ng International Criminal Court.
Sa ipinasang Senate resolution ni Senador Padilla, sinabi nitong nagdudulot ng mga katanungan sa legalidad, constitutionality, at due process ang paghirang sa mga pribadong indibidwal upang katawanin ang bansa sa harap ng international tribunals.
Bukod dito, binigyang-diin din sa resolusyon ang pangangailangang linawin kung opisyal na pinahintulutan ng anumang sangay o ahensya ng gobyerno ang nasabing pagtatalaga, at kung sa ilalim ng anong otoridad at mandato ito isinagawa.
Dagdag pa ng Senador, may malawakang implikasyon sa soberanya ng Pilipinas, foreign relations, at sa proteksyon ng karapatan at kapakanan ng mga opisyal ng bansa ang naturang isyu.
Kaya naman, mahalagang aniyang magsagawa ng imbestigasyon ang Senado upang matiyak ang transparency at accountability, at kung kinakailangan ay makabuo ng batas na magtatakda ng mas malinaw na patakaran hinggil sa mga kinatawan ng gobyerno sa mga international institutions tulad ng ICC.