Tuloy-tuloy ang Department of Education sa pag-iimbestiga sa kaso ng sinasabing iregularidad sa pagpapatupad ng Senior High School Voucher Program ng nakaraang liderato ng kagawaran.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara, na may mga inilatag na ring hakbang at reporma sa sistema ang kagawaran, para hindi maulit ang sinasabing anomalya sa programa.
Isandaang milyong pisong halaga ng subsidiya para sa mga kwalipikadong estudyante na papasok ng senior high school ang sinasabing hindi nakarating sa mga benepisyaryo, dahil sa iregularidad sa pagpapatupad ng programa.
Ayon sa kalihim, 65 million pesos ng sinasabing pondo ang matagumpay na nilang nabawi sa apatnapu mula sa limampu’t apat na pribadong paaralan na sinita sa isyu.
Iniulat din ni Secretary Angara na nasampahan na ng reklamong civil at kriminal ang ilang isinasangkot sa isyu, at tiniyak na pananagutin sila kapag napatunayan ang paglabag.