Hindi naman na lingid sa kaalaman ng marami na hindi pinahihintulutan ang mga bisita na hawakan ang mga artwork sa mga museum o gallery. Pero ang mga bisita na ito sa isang museum sa Italy, aksidenteng nakasira ng isang artwork matapos ma-out of balance rito.
Kung ano ang kinahinatnan ng mga bisita, eto.
Sa isang CCTV footage na nakuhanan sa loob ng Palazzo Maffei na matatagpuan sa Verona, Italy, makikita ang isang magkasintahang turista na nagpi-picture sa isang makinang na upuan na inspired sa painting ni Vincent Van Gogh na ‘Van Gogh’s Chair.’
Ang babae ay nag-posing na para bang nakaupo ito sa nasabing upuan habang pinipicturan siya ng kasama niyang lalaki.
Matapos nito ay nagpalit ng pwesto ang dalawa. Ang lalaki naman ang nag-pose sa harap ng upuan habang ang babae ang may hawak ng camera para picturan ito.
Habang nagpi-picture ay makikita ang bahagyang paggalaw ng lalaki at di nagtagal ay nawalan ng balanse at tuluyang napaupo sa upuan, dahilan para bumigay ito at bumagsak.
Agad na tinulungan ng babae ang kasama niya na tumayo bago mabilisang umalis mula sa pinangyarihan ng insidente.
Huling-huli sa video kung paano nayupi ang mga unahang binti ng upuan na napapalibutan ng daan-daang swarovski crystals na nilikha ng Italian artist na si Nicola Bolla mula 2006 hanggang 2007.
Ayon sa museum director ng Palazzo Maffei na si Vanessa Carlon, hinintay pa umano ng magkasintahan na maiwanan sila sa nasabing area para makapagpa-picture sa upuan.
Mabuti na lang at naisaayos na ang upuan at naireport na rin ng museum sa mga otoridad ang nangyaring insidente para tukuyin ang mga sangkot dito.
Sa mga sumasali sa trend sa pagbisita ng mga museum, naa-appreciate niyo ba talaga ang art pieces na nakadisplay doon o nagpunta lang kayo for the vibe?