Sino ang mag-aakala na ang isang nakakapagsalitang ibon lang pala ang magiging daan para muling mabuksan ang kaso ng pagkamatay ng kaniyang amo at tuluyan itong matutuldukan makalipas ang isang taon?
Kung ano ang naging ambag ng parrot, eto.
Taong 2015 nang masawi sa kanilang tahanan sa Michigan, U.S.A si Marty Duram matapos itong barilin nang limang beses ng kaniyang asawa na si Glenna.
Matapos na ito ay binaril din ni Glenna ang kaniyang ulo. Pero nang dumating ang mga pulis para mag-imbestiga ay naisugod pa ang babae sa ospital at nakaligtas.
Base sa imbestigasyon, lubog na umano sa utang ang mag-asawa dahil nalulong sa sugal si Glenna. Binigyan na rin ng foreclosure ang mga ito at nakatakda sanang i-auction ng sheriff’s office ang kanilang bahay sa kaparehas na araw nang mamatay si Marty.
Sa patuloy na pag-iimbestiga, naghinala ang mga pulis na si Glenna ang nasa likod ng krimen ngunit sinabi nito na hindi niya kayang patayin ang kaniyang asawa at sa halip ay hihiwalayan na lang ito.
Isang taon ang nakalipas pero hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni marty. Pero sa tulong ng kaniyang ex-wife na si Christina Keller, nakarating sa media ang video ng alagang parrot ni Marty na si Bud na ginagaya at isinisiwalat ang pag-uusap ng dalawang tao na tila nag-aaway.
Hinala ni Christina na nasaksihan at natandaan ng parrot ang away sa pagitan ni Glenna at Marty.
Samantala, matapos lang ang tatlong linggo nang isapubliko ang video ng parrot, inaresto na ng mga pulisya si glenna at muling nagsimula ang mas malalim na imbestigasyon.
Sa pagkakataon na ‘yon ay napatunayan na si Glenna nga ang nasa likod ng krimen nang matagpuan ang ginamit nitong baril na ruger single-six na nakasiksik sa kanilang sofa.
Sinubukan pang umapela ni Glenna sa ipinataw sa kaniya na habambuhay na pagkakakulong pero ibinasura ito ng korte at nakakulong ngayon sa isang correction facility.
Sa mga mag-asawa diyan, sa paanong paraan niyo sinosoluyunan ang mga problema katulad ng pagkalubog sa utang?