Dahil sa kaniyang obsession na makita ang mga bumbero in action, patung-patong na parusa ang inabot ng isang lalaki sa United Kingdom dahil sa pag-iimbento nito ng emergency para lang makita ang mga bumbero.
Ang buong kwento ng lalaki, eto.
Isang gabi noong September 2023 nang alertuhin ng 26-anyos na lalaki mula sa Ashington, Northumberland na si James Brown ang mga bumbero dahil sa maliit na sunog sa kaniyang bahay dulot ng umano’y spark sa electricity meter.
Agad namang rumesponde ang mga bumbero at hindi nagtagal ay naapula ang maliit na sunog ng mga kumot sa isang cabinet.
Pagkatapos nito ay pinutol na ng mga bumbero ang linya ng kuryente sa bahay ni Brown para maiwasang maulit ang insidente.
Pero makalipas lang ang mahigit isang oras ay nakatanggap na naman ng report ang mga bumbero mula kay Brown dahil nasusunog na naman daw ang mga kumot nito.
Naghinala naman ang mga bumbero sa ikalawang report ng lalaki dahil matatandaan na pinutulan na nila ito ng kuryente.
Nang imbestigahan ang mga pangyayari, nabuko na hindi aksidente ang mga nangyaring sunog at sinadya ng suspek.
Lumabas din sa imbestigasyon na 80 beses na tumawag si Brown sa mga bumbero noong 2022.
Inamin naman ng lalaki sa korte na guilty siya sa two counts of arson at reckless endangerment.
Ayon sa judge, obsessed ang lalaki sa mga bumbero kung kaya sumailalim ang lalaki sa therapy para gamutin ito.
Samantala, pinatawan naman si brown ng walong buwang pagkakakulong, dalawang taong suspension, at 150 hours of community service.
Pinagsisihan naman daw ng lalaki ang ginawa niyang pagsasayang sa resources ng mga bumbero at tinigilan na rin ang mga ito matapos siyang maaresto.
Ikaw, mayroon ka rin bang weird obsession?