Nanindigan ang Office of the Vice President na handa na si Vice President Sara Duterte na harapin ang impeachment trial, anumang oras.
Kasunod ito ng inilabas na survey ng Social Weather Stations, kung saan aabot sa animnapu’t anim na porsyento ng mga Pilipino ang nagsabing dapat sagutin ni V.P. Sara ang lahat ng alegasyon ng korapsyon laban sa kanya.
Ayon kay O.V.P. spokesperson Ruth Castelo, tama lang ang estratehiya na tinatahak ng mga abogado ni Vice President Duterte kaugnay sa kinakaharap nitong impeachment complaint.
Nakasalalay na aniya sa Korte Suprema ang magiging direksyon ng kaso. Paliwanag ni Atty. Castelo, kung magpasya ang Supreme Court na hindi na dapat ituloy ang impeachment dahil sa technicality o anumang dahilan, handa ang panig ng Bise Presidente na tanggapin ito.
Dagdag pa ng tagapagsalita ng OVP, kapag hindi itutuloy ang impeachment trial, makakatipid ang pamahalaan ng milyon-milyong piso at hindi dapat sayangin ang pondo ng bayan.