Nangunguna si Vice President Sara Duterte bilang presidential contender sakaling magsagawa ng snap elections.
Ito’y matapos imungkahi ni Senador Alan Peter Cayetano na magsagawa ng snap elections upang maibalik ang tiwala ng publiko, kung saan hindi maaaring tumakbo sa pwesto ang mga kasalukuyang opisyal ng pamahalaan.
Batay sa pinakahuling survey ng Tangere, nakakakuha ng 43 percent ng voter’s preference si VP Sara, na sinundan ni dating Vice President Leni Robredo na nakakakuha ng 23%
Para naman sa pagka-bise presidente, nanguna si Sen. Bong Go na nakakakuha ng 30%, na sinundan naman ni Senador Bam Aquino, 20%.
Sakali namang sundin ang mungkahi ni Sen. Cayetano na walang incumbent high-ranking official ang maaaring tumakbo sa isasagawang snap elections.
Nangungunang kandidato sa pagka-senador sina Pasig City Mayor Vico Sotto, Manila City Mayor Isko Moreno, at dating Senador Grace Poe.
Gayundin sina Davao City Acting Mayor Baste Duterte, Rep. Paolo Duterte, at media personality na si Ben “Bitag” Tulfo.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng mobile-based respondent platform, na nilahukan ng 1,500 participants sa buong bansa.