Sumirit pa sa 2.59 milyong Pilipino ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa sa pagtatapos ng buwan ng Hulyo ng kasalukuyang taon.
Ito ayon sa Philippine Statistics Authority, ay higit na mataas kumpara sa pinakahuling datos ng ahensya noong Hunyo, kung saan nasa 1.95 milyong Pilipino ang walang trabaho.
Ayon kay PSA chief at national statistician Claire Dennis Mapa; katumbas ito ng 5.3% unemployment rate mula sa kabuuang 48.64 milyong Pilipinong tumugon sa Labor Force Survey na aktibong naghahanap ng trabaho sa nasabing buwan.
Mas mataas ito kumpara sa 3.7% na naiulat noong nakaraang buwan.
Ibig sabihin, sa bawat isanlibong Pilipino, tinatayang limampu’t tatlo ang bilang ng walang trabaho.
—Sa panulat ni Jasper Barleta




