Pormal nang kinansela ang pagdaraos ng Pista ng Itim na Nazareno sa ika-9 ng Enero sa susunod na taon.
Sa post online ng Manila Public Information Office, ang pagkansela sa taunang Traslacion ay bahagi ng pag-iingat kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Nauna rito, inihayag ni Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Minor Basilica ng Poong Nazareno ng Quiapo, na tatanggapin nila ang anumang pasya ng pamahalaang lungsod ng Maynila maging ng Inter-Agency Task Force na responsable sa mga ginagawang panuntunan kontra COVID-19 ng bansa.
Magugunita ring ipinagbabawal muna ng pamahalaan ang pagdaraos ng malakihang mga okasyon, maging ang pagpa-party, upang maiwasan ang paglaganap pa ng virus.
Sa pinakahuling tala ng Department of Health, umaabot na sa 363,888 ang kaso ng COVID-19 sa bansa.