“Tapon-ulo” man kung tawagin, ang hipon ay hindi lamang masarap kundi mayaman din sa iba’t ibang sustansiya na mahalaga sa ating katawan.
Ayon sa mga eksperto, ang hipon ay may mababang taba at calories ngunit sagana naman sa protina.
Ito ay isang mahusay na pinagmumulan ng omega-3 fatty acids, na nakakatulong upang mabawasan ang banta ng sakit sa puso at pagpapababa ng cholesterol.
Mayroon din itong benepisyo sa utak, tulad ng pagpigil sa alzheimer’s disease.
Mayaman din ang hipon sa vitamin D, na kailangan sa pag-absorb ng calcium para sa mas matibay na buto.
Magandang pinagmumulan din ito ng vitamin B12, na mahalaga sa tamang paggana ng utak at pagbuo ng blood cells.
Isa pa sa mga sustansiyang taglay ng hipon ay ang selenium, na nakakapagpahina sa masasamang epekto ng free radicals — ang pangunahing sanhi ng kanser.
Kaya’t hindi na rin nakakapagtaka kung bakit laging present ang hipon sa mga gustong magkaroon ng balanced diet!
—sa panulat ni Jasper Barleta