Isinailalim na sa full coverage ng Witness Protection Program o WPP si hazing suspect Marc Anthony Ventura kaugnay sa pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III.
Dahil sa pagkakapasok sa WPP, burado na ang pangalan ni Ventura bilang respondent sa reklamong isinampa sa Department of Justice o DOJ kaugnay sa pagkamatay ni Atio.
Magugunitang lumapit sa DOJ si Ventura para humingi ng proteksyon kapalit ng mga impormasyong nalalaman niya hinggil sa nangyari kay Atio na nasawi sa matinding bugbog dahil sa hazing noong Setyembre 17.
Una nang inihayag ni Ventura na dalawapu’t tatlong (23) indibidwal ang naging bahagi ng initiation rites para kay Atio.
Mga nambugbog kay Atio Castillo pinangalanan
Isa-isang pinangalanan ni Marc Anthony Ventura ang mga kasamahan sa Aegis Juris Fraternity na nambugbog kay Atio Castillo sa isinagawang initiation rites noong Setyembre 17.
Sa anim na pahinang affidavit na inihain ni Ventura sa Department of Justice, tinukoy ang mga miyembrong nasa hazing rites na isinagawa sa fraternity library sa Sampaloc, Maynila.
Ang mga ito ay sina Edric Pilapil, Zach Abulencia, Daniel Ragos, Dave Felix, Sam Cagalingan, Alex Cairo, Luis Kapulong, Kim Cyrill Roque, Ged Villanueva, Arvin Balag, Ralph Trangia, Oliver John Audrey Onofre, Mhin Wei Chan;
Daniel Hans Matthew Rodrigo, Karl Matthew Villanueva, Joshua Joriel Macabali, Axel Munro Hipe, Marcelino Bagtang, Zimon Padro, Jose Miguel Salamat, Leo Lalusis, Alex Bose at Robin Ramos.
Nakita din ni Ventura ang isang babae na kasama ni Bose habang sina Abulencia, Ragos, Cagalingan, Cairo, kapulong at Pilapil ang kabilang sa mga sumuntok sa braso ni Atio.