Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior ang rekomendasyon ng National Amnesty Commission para sa siyam na aplikanteng nakapasa sa proseso ng aplikasyon para sa alok na amnestiya ng pamahalaan.
Ayon kay N.A.C. Chairperson Atty. Leah Tanodra Armamento, hinihintay na lamang mailabas ang certificate of amnesty para sa siyam na dating rebelde.
Kapag nabigyan ng amnestiya, mabubura ang lahat ng kasong kinakaharap ng mga aplikante at malaya na silang makababalik sa kanilang komunidad kasama ang pamilya.
Kabilang din dito ang mga tulong mula sa pamahalaan tulad ng pabahay, pangkabuhayan, at scholarship o libreng pag-aaral para sa kanilang mga anak.
Aminado si Atty. Armamento na masalimuot ang proseso ng pag-apruba sa amnestiya. Kaya naman ito pa lamang ang unang batch mula sa mahigit apatnalibong indibidwal na nag-apply.
Ipinaliwanag niya na ngayon pa lamang nakumpleto ang mga pirma ng mga miyembro ng N.A.C. May ilang karagdagang requirements din na hinihingi ang ibang miyembro ng komisyon gaya ng mga kalihim ng Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, Department of National Defense, at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity.
Bukod dito, isa-isang sinusuri at pinag-aaralan ng bawat miyembro ang rekomendasyon para sa bawat aplikante. Dahil dito, umaabot ng isa hanggang dalawang buwan ang buong proseso bago ito maisumite sa Pangulo para sa pag-apruba.