Tumaas na rin o halos na-doble na ang singil sa kuryente sa ilang probinsya.
Ngayong buwan lamang, halos P21 na ang dagdag-singil sa kada kilowatt hour ng mga electric cooperative na Mopreco sa Cordillera Administrative Region at Bileco sa Eastern Visayas.
Halos P20 naman sa Samelco 2; Soleco at Dorelco na nasa Eastern Visayas na pawang pinaka-mahal na sa mga kooperatiba.
Aminado naman ang samahan ng mga Electric Cooperative na Philippine Rural Electric Cooperatives Association Incorporated (Philreca) na hindi nila kontrolado ang mga nasabing rate.
Ayon kay Philreca Executive Director Janeene Colingan na ipinasa sa kanila ng mga power generation company ang mga nasabing rate.
Inamin din ni Emmanuel Jueza, administrator ng National Electrification Administration na walang magagawa sa ngayon kundi magtipid sa paggamit ng kuryente.
Samantala, naghahanda na si Energy Regulatory Commission Chairperson Monalisa Dimalanta ng action plan kasama ang Department of Energy at iba pang mga ahensya upang masolusyonan ang pagsirit ng singil sa kuryente.