Mariing tinuligsa ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG ang matinding pagkaantala sa pamamahagi ng fertilizer subsidy na nakalaan para sa mga magsasaka sa Ilocos Region at Cagayan Valley.
Sa panayam sa DWIZ, iginiit ni SINAG chairman Engr. Rosendo “Ka Sendong” So na hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap ng mga benepisyaryo ang mahigit 340-thousand bags ng fertilizer na dapat naipamahagi na noong Hunyo.
Dagdag pa ng tagapangulo ng agri-group, malaking hamon ito para sa mga magsasaka lalo na’t sumadsad sa dose-pesos kada kilo ang presyo ng palay ngayong taon, taliwas sa dating sistema kung saan mabilis na nakukuha ng mga magsasaka ang kanilang abono sa mga accredited dealers sa kani-kanilang bayan.
Samantala, iginiit din ni SINAG chairman So na posibleng magmukhang “ghost project” ang subsidy program kung hindi agad maigugulong ang distribusyon.