Ikinakasa na ng Senado ang imbestigasyon sa mga reklamo laban kay Cesar Montano, Chief Operating Officer ng TPB o Tourism Promotions Board.
Ayon kay Senador Nancy Binay, naibigay na sa Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon ang kanilang resolusyon na imbestigahan ang mga reklamo laban kay Montano.
Magsisilbi naman anyang pangalawang komite na hahawak sa imbestigasyon ang pinamumunuan niyang Committee on Tourism.
Sinabi ni Binay na kahit naka-session break ngayon ang Senado ay puwede pa rin silang magsagawa ng imbestigasyon upang mabilis na maplantsa ang gusto sa TPB at maipagpatuloy nila ng maayos ang kanilang mga trabaho.
Kabilang sa mga reklamo ng ilang empleyado ng TPB laban kay Montano ang paglikha ng mga trabaho para sa kanyang mga kapamilya at kakilala kahit may mga dati nang empleyadong gumagawa ng parehong trabaho, pagkukulong sa kanyang opisina at maririnig na naggigitara lamang at pagka-slow o mahina sa pag-intindi kapag may presentasyon para sa kanilang mga programa.
“Unang-una yung mga projects na sakop ng TPB ay parang kuwestyonable, siguro kung napatawag na ni Senator Gordon yung hearing baka lahat ng isyu na ibinabato sa kanya (Montano) ay puwedeng talakayin.” Pahayag ni Binay
Tourism department
Samantala, nakasalalay sa resulta ng imbestigasyon ng Presidential Action Center ang magiging aksyon ni Tourism Secretary Wanda Teo sa kaso ni Cesar Montano, Chief Operating Officer ng TPB o Tourism Promotions Board.
Ayon kay Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre, sa PAC inihain ang mga reklamo laban kay Montano kayat nais ng kalihim na antayin na lamang ang kalalabasan ng imbestigasyon bago magdesisyon kung papatawan o hindi ng parusa si Montano.
Tiniyak rin ni Alegre na isinasaalangalang ng pamunuan ng DOT ang kahilingan ni Senador Nancy Binay na sabayan nila ang imbestigasyon na gagawin ng Senado sa isyu.
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)