Hindi maipagkakaila na marami nang naisiwalat sa mga isinagawang imbestigasyon ng Senado at Kongreso hinggil sa anomalous flood control issue.
Sa dami na ng ibinulgar ng mga indibidwal na hinihinalang sangkot dito, umabot na sa pagra-rally ang galit ng taumbayan dahil sa mga nadiskubre nilang detalye lalo na kung paano iwinaldas ang tax payers’ money.
Kaugnay nito, madadagdagan na rin ang mag-iimbestiga sa isyu dahil nagsimula na ngang buuin ang Independent Commission for Infrastructure o ICI at inanunsyo na nga ang ilan sa mga magiging myembro nito.
Nang tanungin naman sa opisyal na panayam ng DWIZ kung ano ang opinyon ng political analyst na si Dr. Froilan Calilung sa itinalagang myembro ng bagong investigating body, sinabi niya na sa palagay niya ay magagampanan ng mga ito nang maigi ang kanilang responsibilidad, considering na mayroon na silang napatunayang kredibilidad.
Dagdag pa niya, mahalaga na mayroong direct knowledge at nasusundan ng mga mag-iimbestiga ang tunay na nangyayari sa isyu nang sa ganon ay magiging smooth-sailing ang mga susunod na hakbang ng imbestigasyon.
Katulad nga ng mga nasubaybayan nating hearing, Senado at Kongreso nagpasimula ng mga ‘yon. Pero ang problema, ilang myembro ng Senado at Kongreso ang idinawit na sa isyu.
Kaya ayon kay Dr. Calilung, hindi na dapat nag-iimbestiga pa ang mga ito para hindi na magkaroon pa ng conflict of interest at hindi maimpluwensyahan ang kahahantungan ng imbestigasyon.
Gayunpaman, sinabi ni Dr. Calilung na maganda naman ang naging simula ng mga imbestigasyon dahil marami nang nakalap na testimonya mula sa mga indibidwal na sangkot umano sa katiwalian.
Sa ngayon, mukhang mahaba-haba pa ang tatakbuhin ng imbestigasyon sa isyu na ito, lalo na at hindi biro ang halaga ng pera na ginastos dito na marapat lang na maibalik para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.