Mariing itinanggi ni Senador Jinggoy Estrada ang pambibintang ni dating DWPH-Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez na siya ay tumanggap ng anumang halaga mula sa mga flood control projects.
Binigyang-diin ni Senador Estrada na tulad ng mga sinasabing guni-guning flood control projects, guni-guni rin ang 30 percent na umano’y commitment niya sa mga proyekto.
Ipinunto ng senador na ang mga binanggit na proyekto ni Hernandez sa pagdinig ng Kamara ay nakasaad sa 2025 General Appropriations Act, kaya kasinungalingan ang kanyang pagkakaugnay sa naturang isyu at plano lamang na siraan siya sa publiko.
Iginiit ni Sen. Estrada na hindi lamang niya hinahamon si Hernandez na sumailalim sila sa lie detector test, kundi patunayan din ang bawat alegasyon na binitawan nito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.




