Nagsampa na ng kasong cyberlibel si Senator Risa Hontiveros sa National Bureau of Investigation, laban sa mga nagpakalat ng video ni Michael Maurilio o alias ‘Rene’.
Sa kumalat na video ni Maurilio sa social media, sinabi nito na binayaran siya ng isang milyong piso ni Sen. Hontiveros para tumestigo laban kina Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Vice President Sara Duterte.
Ayon sa mambabatas, layon ng inihain nilang reklamo na makilala ang nasa likod ng nasabing video at imbestigahan ang mga vloggers na nagpakalat sa sinasabing maling akusasyon.
Kabilang dito sina Krizette Chu, Jay Sonza, Sass Rogando Sasot, Trixie Cruz-Angeles, Banat By, at iba pang content creators.
Nilinaw ni Sen. Hontiveros na ang kanyang inihain na kaso ay cyber libel at hindi perjury o traditional libel.
Kasabay nito, sinabi ng senador na bagamat tumatanggap siya ng mga kritisismo ay hindi niya pahihintulutan ang pagkalat ng kasinungalingan.