Naniniwala si Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na marami pa ring matitino at magagaling na kawani sa Department of Public Works and Highways.
Ito’y sa kabila ng mga kontrobersiya sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Sec. Dizon, inatasan siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hanapin ang mga tapat na kawani at sila ang ilalagay sa mga sensitibo at kritikal na posisyon para matiyak na magiging maayos at tapat ang pagpapatakbo sa ahensya.
Dagdag pa ng bagong kalihim, hindi layon ng courtesy resignation na ubusin ang mga empleyado ng DPWH, kundi tanggalin lamang ang mga opisyal at kawani na sangkot sa katiwalian.
Mananatili pa rin aniya sa tungkulin ang mga opisyal at empleyado hangga’t hindi tinatanggap ang kanilang pagbibitiw dahil kapag iniwan ng mga ito ang trabaho nang walang pahintulot, maaari silang sampahan ng kasong “abandonment of duties.”
Tiniyak naman ni Sec. Dizon na sa mga susunod na linggo ay unti-unti nang mapupunan ang mga bakanteng posisyon ng mga taong kaagapay ng Pangulo sa paglilinis at reporma sa DPWH upang maibalik ang tiwala ng publiko sa ahensya.





