Inisnab ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez ang resulta ng survey ng Pulse Asia kung saan 50 percent ang nagsabi na hindi sila pabor sa paghahain ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Aminado si Gutierrez na bagaman hindi siya maaaring magsalita para sa kabuuan ng prosekusyon, para sa kanya ay hindi naman dapat lubusang paniwalaan ang survey.
Ayon sa mambabatas na kabilang sa House Prosecution Panel sa impeachment trial, nakita naman na kung anong resulta ng survey sa senatorial elections at marami ang na-sorpresa makaraang mag-number 2 si Senador Bam Aquino at pumasok din si Senador Kiko Pangilinan na kapwa hindi nakapasok sa mga survey.
Nang tanungin kung naapektuhan ng bagong datos ang kanyang tiwala sa mga survey, lalo na’t ginamit din niya ang sigaw ng publiko bilang bahagi ng basehan sa impeachment, aminado si Gutierrez sa pagbabago ng pananaw.
Sa kabila nito, nilinaw ng kongresista na hindi niya kinukuwestyon ang integridad ng mga survey firm.