Pinagbantaan na babarilin, pinagmumura at pinalo pa ng isang Pulis Maynila ang residente ng Muslim town o Golden Mosque sa Quiapo, Maynila.
Gamit ang megaphone, inianunsyo ng pulis na lahat ng lalabas ng wala sa itinakdang oras ay babarilin.
Pinagmumura at pinalo rin ng pulis ang isang residente kahit pa napakita ito ng kanyang quarantine pass.
Nakunan ng video ang insidente at kumakalat na ito ngayon sa social media.
PNP kumikilos na para imbestigahan ang insidente
Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) Headquarters sa Manila Police District (MPD) at PNP-NCRPO hinggil sa nagviral na video ng Pulis-Maynila na nagbabantang babarilin ang mga residente ng Golden Mosque sa Quiapo, Maynila na lalabas sa hindi itinakdang oras.
Ayon kay Brig. General Bernard Banac, spokesman ng PNP, kailangan pa nila ng dagdag na impormasyon upang makuha ang kabuuan kung ano talaga ang nangyari.
Una nang tiniyak ni MPD Chief Brig. General Rolando Miranda na paiimbestigahan nya ang insidente.
Hindi anya dapat idinadaan sa init ng ulo ang pagpapatupad ng batas.