Iginiit ni Lanao Del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong ang kahalagahan na muling balangkasin ng Kamara ang Quad Committee upang maipagpatuloy ang nasimulang imbestigasyon noong nakaraang Kongreso at marinig ang boses ng mga nais patahimikin ng pananakot at pulitika.
Ayon kay Adiong, isa sa mga lider ng Young Guns Bloc sa Mababang Kapulungan, ang pagbalangkas sa House Quad Comm 2.0 ay hindi lamang kinakailangan kundi isang pagsubok sa tunay na paninindigan ng Kamara sa pagkakaroon ng pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno sa kanilang ginagawa upang maibalik ang tiwala ng publiko.
Ang unang Quad Comm, na binubuo ng Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts Committees sa Kamara ay binuo noong 2024 upang imbestigahan ang pangamba kaugnay ng pagdami ng krimen na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators at ang umano’y ugnayan nito sa mga seryosong krimen, kalakalan ng iligal na droga, umano’y iligal na pagmamay-ari ng mga Chinese nationals ng lupa sa Pilipinas, at ang mga extrajudicial killings na may kaugnayan sa war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.
Nauna nang nanawagan sina Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., dating Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers, at dating Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez na buhayin ang Quad Comm sa 20th Congress.
Nagbabala sila na hindi dapat hayaang tuluyang mabaon sa limot ang mga imbestigasyon sa mga pagpaslang kaugnay ng droga, mga sindikatong konektado sa China, at katiwalian sa pamahalaan.