Nagsagawa ang pamahalaan ng mga hakbang upang mapanatiling matatag ang presyo ng bigas at masiguro ang sapat na suplay habang naghahanda ang bansa na ipatupad ang 60-day ban sa rice imports simula sa susunod na buwan.
Ayon kay Palace Press Officer at Undersecretary Claire Castro, magpapatupad ang Department of Agriculture ng mahigpit na price monitoring upang protektahan ang mga consumer mula sa biglang pagtaas ng presyo sa panahon ng import ban.
Sinabi ni Usec. Castro na aktibong nag-uugnayan ang DA at ang mga pangunahing stakeholder, kabilang ang mga magsasaka, miller, at trader, upang mapigilan ang pagmamanipula sa presyo sa rice market.
Tiniyak din ni Castro sa publiko na may sapat na suplay ng bigas, sinabing nagsasagawa ang DA ng weekly monitoring ng buffer stock.
Aniya, maglalabas din ang DA ng 1.2 million bags, o hanggang 100,000 metric tons ng local rice sa pamamagitan ng auction ngayong linggo, kung saan ang floor price ay inaasahang maglalaro sa bente singko pesos hanggang bente otso pesos.
—Sa panulat ni Daniela De Guzman