Nananatiling mataas ang presyo ng baboy sa mga pamilihan sa kabila ng mababang taripa sa inaangkat na karne at pagbaha nito sa merkado.
Sa datos ng Department of Agriculture, naglalaro na sa P350 hanggang P380 ang kada kilo ng karneng baboy hanggang nitong July 6 kumpara sa P320 hanggang P340 noong June, malayo sa P225 kada kilo noong January 2020 o bago magkaroon ng COVID-19 pandemic.
Ang mas mababang taripa ay resulta ng Executive Order 128 ni Pangulong Rodrigo Duterte noong April 7, bilang tugon sa inflationary effects ng presyo ng karne, kung saan ang imported pork na aabot sa maximum access volume o MAV ay papatawan lamang ng 5% kumpara sa 15% tariff para sa mga lumampas sa quota.
Dahil sa mababang taripa, umabot na sa mahigit P1.3 bilyon ang nalugi sa gobyerno simula Abril hanggang Hunyo at inaasahang lolobo pa sa 11 bilyon hanggang katapusan ng taon.
Noon lamang May 15, nag-issue naman ang Pangulo ng E.O. 134 upang tapyasan pa ang taripa sa imported pork sa 10% sa loob ng 3 buwan at 15% sa susunod na 9 na buwan.
Gayunman, lalo pang sumirit ang presyo ng baboy kung saan lumampas na sa P400 ang kada kilo sa ilang pamilihan. —sa panulat ni Drew Nacino