Labis na nababahala ang Citizens Crime Watch Internationale (CCWI) sa mga posibleng epekto ng Konektadong Pinoy Bill (KPB), na umano’y maaaring magbunsod ng pagdami ng online gaming o e-gambling sa bansa.
Giit naman ng Scam Watch Pilipinas, maaaring maging daan ang panukala sa mas matinding cyber fraud at panganib sa digital security ng Pilipinas.
Ang pahayag ay ginawa ng dalawang civil society advocacy groups matapos lumabas ang mga ulat ukol sa umano’y pangamba na maaaring magpaluwag sa regulasyon ang nasabing panukala at magbukas ng pinto para sa mga kahina-hinalang digital service providers, kabilang na ang mga pinopondohan ng dayuhang puhunan.
Sabi ni Michelle Botor, tagapagtatag at pambansang tagapangulo ng CCWI, maliban pa sa banta sa pambansang seguridad ay ang posibilidad ng paglago ng access sa mga online gambling platforms na maaaring hindi sinasadyang mapalaganap ng panukala.
“Kung walang matibay na mekanismo para sa pagsusuri at pagsala, maaaring maging daan ang batas para sa mga hindi regulated na e-gaming operator upang makapasok sa merkado sa pamamagitan ng bagong digital infrastructure na walang sapat na bantay,” paliwanag ni Botor.
Wika pa niya, “Layunin ng Konektadong Pinoy na ikonekta ang mas maraming Pilipino sa internet, ngunit kung hindi bibigyang-pansin ang cybersecurity, nagbubukas ito ng pintuan para sa seryosong banta – lalo na mula sa mga illegal online gambling platform.”
Isiniwalat din ni Botor na ginagamit na ng mga ganitong platform ang internet upang hikayatin ang publiko sa mga mapanlinlang na gawain, na nagreresulta sa digital addiction, pagkakautang, at pagkakasangkot ng kabataan sa ilegal na sugal.
Pahayag pa niya, kung maisabatas ang KPB nang walang sapat na proteksyon, maaari nitong “i-normalize” ang pagsusugal sa kabataan at mga maralitang sektor dahil sa mas malawak na digital access pero mahinang regulasyon.
Scam Watch: Cybersecurity, dayuhang Impluwensiya at grace period
Samantala, ipinahayag din ng Scam Watch Pilipinas na bagama’t sinusuportahan nila ang layunin ng KPB na palawakin ang access sa internet at i-modernisa ang digital infrastructure ng bansa, may mga probisyon umano sa panukala na nagbubukas sa mas mataas na panganib sa cybersecurity, at paglabag sa data privacy.
Partikular nilang kinuwestiyon ang tatlong taong “grace period” para sa mga bagong Digital Technology and Infrastructure Providers (DTIPs), kung saan papayagan silang mag-operate kahit hindi pa sumusunod sa buong cybersecurity at data privacy standards. Anila, ito ay isang “mapanganib na bintana ng kahinaan.”
“Binubuksan ng grace period ang pintuan para sa mga hacker, scammer, at posibleng dayuhang state-sponsored actors upang lusubin ang kritikal na imprastruktura at makuha ang sensitibong datos ng mamamayan,” babala ng grupo.
Ibinunyag din ng Scam Watch ang pag-aalala sa posibilidad na magkaroon ng dayuhang kontrol sa mga kritikal na imprastruktura tulad ng satellite gateways at cable landing stations—nang walang mahigpit na national security clearance. Ito ay maaaring magdulot umano ng panganib ng cyber espionage at strategic infiltration.
Mga rekomendasyon para
sa mas ligtas na batas
Dahil dito, nananawagan ang grupo na tanggalin ang tatlong taong grace period at agad ipatupad ang umiiral na cybersecurity at data privacy standards bago pahintulutang mag-operate ang kahit anong DTIP.
Kabilang sa kanilang rekomendasyon ay ang sumusunod:
• Isang komprehensibong risk assessment na may pagsasaalang-alang sa cybersecurity, privacy, at pambansang seguridad.
• Obligatoryong background check at clearance mula sa mga ahensyang responsable sa cybersecurity at national security.
• Mas mabigat na parusa sa mga lalabag o magiging pabaya sa pagpapatupad ng mga proteksiyong panseguridad.
“Sa pamamagitan ng pagsama ng mga mahalagang probisyong ito sa panukala, mas maaayon ito sa umiiral na batas ng Pilipinas ukol sa cybersecurity at data protection—at masisiguro ang ligtas na digital na kinabukasan ng bansa,” ayon sa Scam Watch Pilipinas.
Tungkol sa Scam
Watch Pilipinas
Ang Scam Watch Pilipinas ay isang pambansang inisyatiba ng civil society na nakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang labanan ang lumalalang banta ng digital fraud at cybercrime. Layunin nitong itaas ang kamalayan, isulong ang cybersecurity, at protektahan ang mga Pilipino laban sa online scams, pandaraya, at ilegal na pagsusugal.
Kasama sa mga lumagda sa pahayag ng Scam Watch ang co-founder nitong si Jocel De Guzman, Women in Security Alliance Philippines Chair Mel Migriño, BPO Security Council President George Pineda, Philippines CIO Association Trustee Apol Salud, at PhilDev S&T Foundation Executive Director Frederick Blancas.