Binuhay muli ng Philippine National Railways (PNR) ang ruta sa kanilang byahe sa Sangandaan, Caloocan-FTI sa Taguig City.
Ito ayon kay PNR acting Operations Manager Joseline Geronimo ay bilang pagtugon sa kahilingan ng maraming commuters na ibalik ang nasabing ruta.
Taong 1998 nang huling tumakbo ang mga tren sa naturang ruta na nag uugnay sa magkabilang dulo ng Metro Manila.
Inamin ni Geronimo na marami pa silang aayusin sa nasabing proyekto tulad ng waiting sheds at comfort rooms.
Apat (4) na PNR trains ang itinalaga sa naturang ruta kung saan ang unang biyahe ay umaalis sa Sangandaan Station alas singko ng umaga at susundan ng alas siyete ng umaga, alas tres ng hapon at alas singko ng hapon.
Para sa Southbound, ang unang biyahe ng tren sa FTI Taguig ay alas sais ng umaga na susundan naman ng alas otso ng umaga, alas kuwatro ng hapon at alas otso ng gabi.
Inaayos na rin ng PNR ang mga riles ng tren para paabutin ang byahe hanggang sa Malabon City.