Wala pang pasya ang PNP kung magbibigay ng legal assistance o hindi sa walong NCRPO member na idinadawit sa kaduda-dudang pagkamatay ng walong high-profile inmates sa New Bilibid Prison, sa Muntinlupa.
Bagaman inihayag ng BuCor na namatay sa covid-19 ang naturang bilanggo, nakitaan naman ito ng National Bureau of Investigation ng mga iregularidad sa medical at health records.
Ito ang dahilan kaya’t naghain ng kasong murder laban sa 22 NCRPO officials na naka-assign sa BuCor sa kasagsagan ng covid-19 pandemic noong 2020.
Ayon kay PNP Director for Operations, Maj. Gen. Valeriano de Leon, hinihintay na lamang nila ang formal report at handa naman silang makipagtulungan sa NBI.
Entitled naman anya ang mga nasabing pulis sa legal assistance kung may kaugnayan sa trabaho ang mga reklamo pero kung hindi ay kailangan nilang maghanap ng sariling abogado.
Isasailalim naman sa restrictive custody ang mga isinasangkot na NCRPO official kung mayroong matibay na ebidensya na mag-uugnay sa kanila sa kaso.