Pinag-aaralan ni Philippine National Police OIC Chief Police Lt. General Archie Gamboa na palitan ng sibilyan ang mga tauhan ng Internal Affairs Service (IAS).
Ayon kay Gamboa, magmula nang maitatag ang IAS ay hindi na nabago ang sistema nito kung saan kumukuha pa rin ng tauhan sa PNP dahil sa kakapusan ng pondo gayung dapat ay sibilyan ang mga ito.
Dagdag ni Gamboa, pag-aaralan din ang kahilingan ng IAS na mabigyan ng adjudicatory power at hiwalay na pondo sa ilalim ng General Appropriations Act.
Sinabi pa ni Gamboa, layon ng kanilang mga planong pagbabago sa IAS ang matanggal ang mga pagdududa ng publiko sa mga isinasagawang imbestigasyon sa mga tiwalang pulis. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)
PNP-OIC Ipinauubaya na sa Kongreso kung ihihiwalay ang IAS sa Chain of Command ng PNP
Ipinauubaya ni PNP OIC Chief Lt. General Archie Gamboa sa Kongreso ang pagpapasiya kung ihihiwalay ang Internal Affairs Service sa Chain of Command ng pambansang pulisya.
Ayon kay Gamboa, nakabatay kasi sa umiiral na Republic Act 8551 o PNP Reform and Reorganization Act of 1998 ang pagkakatatag sa IAS kung saan isinailalim ito sa kapangyarihan ng PNP Chief.
Dagdag pa ni Gamboa, hindi lamang din aniya IAS ang nag-iimbestiga sa mga tiwaling pulis kundi maging ang iba pang ahensiya ng gobyerno tulad ng Ombudsman, NAPOLCOM, People’s Law Enforcement Board, lokal na pamahalaan at iba pa.
Una nang isinusulong ni PBA partylist Representative Jericho Nograles na amiyendahan ang Republic Act 8551 para maihiwalay sa PNP ang IAS at mabigyan ito ng kalayaan sa pag-iimbestiga maging sa PNP chief. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)