Kinuwestyon ng Malacañang ang plano ni Sen. Imee Marcos na harangin ang aplikasyon ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla bilang susunod na Ombudsman.
Sinabi ni Palace Press Officer at Communications Usec. Claire Castro na tila nagpapahiwatig ang mambabatas na mas matimbang para sa kanya ang paghahatid ng hustisya sa mga kaibigan, imbis na sa taumbayan.
Iginiit ni Usec. Castro na isang independent body ang Ombudsman, na nag-iimbestiga at naghahain ng kaso laban sa mga opisyal na mapatutunayang sangkot sa katiwalian bagay na hindi naman aniya dapat katakutan ng mga Duterte kung wala namang kasalanan ang mga ito.
Dagdag pa ng PCO official, may kakayahan naman ang mga Duterte na ipagtanggol ang sarili, kaya walang dahilan ang senador para harangin ang aplikasyon ni Sec. Remulla.
Nabatid na sinabi ni Sen. Marcos na ang pag-apply ni Sec. Remulla bilang Ombudsman ay bahagi ng planong ipakulong si Vice Pres. Sara Duterte bago mag-2028 elections.