Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong itinuturing ang kanilang sarili bilang mahirap.
Ito ayon sa april 2025 OCTA Research survey kung saan 42 percent ng mga mamamayan o tinatayang 11.1 milyong pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap mula sa 50% noong November 2024 o mahigit sa 13.2 milyong pamilya.
Ang naturang survey ay isinagawa mula noong ika-sampu hanggang ika-labing anim ng Abril, na nagpapakita ng 8% pagbaba sa kabila ng mga pamilyang nag-uulat ng kahirapan.
Kasabay nito, bumaba rin ang self-rated food poverty sa 35% o 9.2 milyong pamilya kumpara sa 49% o 12.9 milyong pamilyang pilipinong nakararanas ng kakapusan sa pagkain noong november 2024.
Samantala, nakaranas din ng pagbaba sa self-rated hunger ng mga Pilipino kung saan 13 percent o 3.4 milyong pamilya mula sa 16% o 4.2 milyong pamilya noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Ang mga datos na nakalap ay indikasyon ng unti-unting pagbuti ng kalagayan ng mga pamilyang Pilipino, habang patuloy pa rin ang hamon na matugunan ang isyu ng kahirapan at kagutuman sa bansa.—sa panulat ni Jasper Barleta