Sa dami ng gastusin at patuloy na tumataas na bilihin, sapat paano pa nga ba nakakasabay ang sinasahod ng mga manggagawang Pilipino, lalo na ‘yung mga umaasa na lang sa kanilang mga pension? Kung kaya naman hinimok ng isang mambabatas ang gobyerno na taasan ang buwanang natatanggap ng mga monthly pensioners.
Kung magkano ang isinusulong na pension hike, eto.
Nanawagan sa Department of Budget (DBM) ang Chairperson ng House Committee on Senior Citizens na si Rodolfo Ordanes na pagkalooban ng karagdagang isanlibong piso ang buwanang Social Security System (SSS) pension na natatanggap ng mga retiree.
Hinihimok ni Ordanes ang Department of Finance at DBM na magbigay ng direct subsidy sa SSS na aabutin ng 43.2 billion pesos para sa 1,000 peso pension increase.
Ito ay dahil hindi na raw nakakasabay o hindi na sapat sa kasalukuyang panahon ang inimplementang 1,000 peso hike mula sa Social Security Act of 2018.
Higit pa na nangangailangan ang mga pensioner ng karagdagang pension dahil sa pagbagsak ng purchasing power ng Philippine peso noong 2019 at mas nagmahal na ang presyo ng mga bilihin ngayon.
Samantala, sinabi ni Ordanes na mahigit 3.6 million ang bilang ng mga SSS pensioner na nangangailangan ng mas mataas na halaga ng pension.
Sa mga pensioners diyan, ano ang opinyon niyo? Nakakasabay pa ba sa mga pang araw-araw na gastusin ang pension na natatanggap niyo?