Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways na ilabas ang kumpletong listahan ng lahat ng flood control projects sa bansa.
Ayon sa pangulo, layon nito na agarang matukoy ang mga ma-anumalyang kontrata at matigil ang pagpapatupad ng mga ghost project.
Kasunod ito ng personal na pag-inspeksiyon ng Pangulong Marcos sa Bulacan, kung saan natuklasang ghost project ang reinforced concrete river wall sa Brgy. Piel, Baliwag na nagkakahalaga ng 55 million pesos.
Sa dokumento kaugnay sa nasabing project, nakasaad na 100% nang kumpleto ang proyekto at fully paid, subalit walang nakitang anumang istruktura sa mismong lugar.
Bukod sa paglalabas ng full list, ipinag-utos din ng presidente ang pag-blacklist sa mga kontratistang sangkot sa mga anomalya, pati na ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga opisyal na napatunayang nakikipagsabwatan.