Pangulong Ferdinand Marcos Jr., handa sa anumang impormasyon mula kay Senador Ping Lacson tungkol sa umano’y flood control projects anomaly.
Nilinaw ng Malacañang na bukas ito sa anumang impormasyon na makatutulong sa pagsilip sa mga hinihinalang iregularidad sa mga infrastructure projects ng pamahalaan, lalo na sa flood control projects, basta’t may kalakip itong sapat na ebidensya.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, bukas ang administrasyon sa pahayag ni Senador Panfilo Lacson na may tinatayang animnapu’t pitong miyembro ng House of Representatives na umano’y konektado sa mga kontratang pang-impraestruktura ng gobyerno.
Aniya, ito ay alinsunod sa adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang malinis at tapat na pamahalaan.
Dagdag pa ni Usec. Castro, walang pinipiling source ng impormasyon ang pamahalaan at handa itong makipag-ugnayan sa sinumang may sapat na detalye, kabilang na si Senador Lacson.
Una rito, ibinunyag ni Sen. Lacson na may hindi bababa sa 67 mambabatas noong 2022 na umano’y contractors ng kanilang sariling mga proyektong pinondohan ng gobyerno.
Sinabi naman ni opisyal na maaaring ang listahan ni Lacson ay tumutugma din sa mga hawak na impormasyon ni Pangulong Marcos.