Kinontra ng Malakanyang ang patutsada ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kampanya ng gobyerno kontra illegal na droga kasunod na rin ng kaso ng pagpatay sa ilang kabataan.
Binatikos ni Tagle ang mga kaso ng extrajudicial killing kung saan sinabi nitong hindi maaring pamunuan ang bansa sa pamamagitan ng pagpatay.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, mas nabibigyan ng atensyon ang mga napapatay gayong higit Isang Milyong mga drug personalities na ang boluntaryong sumuko.
Pagpapatunay aniya ito na tulad ni Archbishop Tagle ay nais din ng Pangulong Rodrigo Duterte na protektahan at mapanatili ang pamilyang Pilipino.
Kinilala din aniya ng Malakanyang pagsisikap ng Cardinal at ng buong simbahan sa pagsasagawa ng multi – sectoral dialogue sa isyu ng droga dahil apektado nito ang buong bansa.