Nakasanayan na natin ang makarinig ng balita tungkol sa mga kawatan na nanghihimasok sa mga bangko para magnakaw ng pera. Pero ibahin niyo ang bangko na ito sa India na nawalan ng malaking halaga ng pera, hindi dahil sa isang magnanakaw, kundi dahil sa isang daga. Ang small but terrible na peste, nginatngat lang naman ang halos kalahati ng pera na laman ng kanilang ATM.
Kung paano nakapasok sa machine ang pumaldong daga, eto.
Kung sa Pilipinas, kilala ang mga daga na naninira ng mga kagamitan sa bahay at bilang source ng leptospirosis lalo na tuwing tag-ulan, sa India, minsan itong itinuring na salarin sa pagkasayang at pagkasira ng sandamakmak na pera sa ATM ng State Bank of India (SBI) na matatagpuan sa tinsukia.
Ayon sa branch manager na si Chandan Sharma, ilang araw naging out of order ang nasabing ATM kiosk, at nang buksan ito ng mga bank technician, bumungad sa kanila ang masangsang na amoy, isang patay na daga at ang gula-gulanit na mga perang papel na nginatngat nito.
Base sa isinagawang imbestigasyon, walang anumang bakas na ng foul play ang insidente. Maaari rin umanong lumusot ang daga sa maliit na siwang na nakalaan para sa mga kable.
Bilang resulta ng pagngatngat ng daga sa mga pera, sa 2.9 million Indian rupees na laman ng ATM, 1.7 million lang ang hindi na-damage.
Gayunpaman, bilang ang State Bank of India ang pinakamalaking bangko sa bansa, sinabi ng bank manager na mag-iimplementa sila ng preventive measures nang sa ganon ay hindi na maulit pa ang kaparehas na insidente.
Ikaw, nangamba ka ba bigla sa mga nakaimbak mong pera sa bangko dahil sa kwentong ito?