“Disaster” na maituturing ng lokal na pamahalaan para sa lalawigan ng Aklan, partikular sa Isla ng Boracay, ang pagpapatupad ng travel ban sa South Korea dahil sa banta ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Malay Aklan Sangguniang Bayan member Nenetter Aguirre-Graf, “bread and butter” ng lalawigan ang turismo na tiyak na maaapektuhan ng travel ban.
Malaking lugi aniya ito sa ekonomiya ng lalawigan sa pansamantalang pagkawala ng mga Koreano bilang marami rin ang sa kanila na bumibisita sa Boracay.
Gayunman, sinabi ng opisyal na handa silang makipagtulungan kung ito ang nakakabuti para sa maraming Pilipino.
Una nang naapektuhan ang turismo sa Boracay dahil sa ipinatupad na travel ban sa Mainland China, Hong Kong at Macau.