Ikinukonsidera ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mga panawagan na buksan sa publiko ang paghimay at pagtalakay ng Bicameral Conference Committee sa panukalang pambansang pondo.
Ayon kay Palace Press Officer at Communications Usec. Claire Castro, nirerespeto ng Malacañang ang independence o hiwalay na kapangyarihan ng Kongreso at Ehekutibo.
Pero sang-ayon din aniya ang Pangulo na maging transparent o tapat sa publiko ang anumang proseso o transaksyon ng gobyerno.
Tugon ito ng Malacañang sa pahayag ng pinsan ng Pangulo, at re-elected Leyte Rep. Martin Romualdez, na suportado ang panawagang isapubliko ang gagawing diskusyon ng bicam kapag gumulong na ang proseso ng national budget.
Layon ng Open Bicam na buksan sa publiko ang kanilang mga deliberasyon, para makita ng taumbayan at stakeholders ang proseso sa pagtalakay ng pambansang pondo.
Magugunitang kinuwestyon ang Bicam ng nakaraang Kongreso matapos madiskubre ang ilan na sinasabing isiningit at tinapyas na pondo sa noo’y panukalang 2025 National Budget.