Ibinunyag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz na patuloy pa rin ang iligal na operasyon ng mga POGO sa bansa pero ginagawa na lamang ito sa mas tagong paraan.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, sinabi ni Cruz na nakukuha ng mga awtoridad ang impormasyon sa pamamagitan ng intel operations, kabilang na ang pagsubaybay sa mga online platforms kung saan nag-uusap ang mga POGO workers.
Dagdag niya, ginagamit pa rin ng mga ito ang internet, gaya ng WhatsApp at Facebook, para sa recruitment.
Ipinaliwanag ng opisyal na karamihan sa mga natitirang POGO ay hindi na nagbabayad ng permit at nag-o-operate na lamang para kumita.
Ngunit iginiit ni Cruz na hindi na kasing lawak ng dati ang mga iligal na gawain ng POGO.
Ani Cruz, noon ay konektado ang ilang POGO sa malalaking krimen tulad ng kidnapping, torture, money laundering, at scamming.
At ngayon naman aniya ay mas maliliit na lang umano ang operasyon at kaya nang hulihin ng mga lokal na opisyal at law enforcement agencies.
—Sa panulat ni Jasper Barleta