Pag-aaralan ng Malacañang kung maaaring panagutin o sampahan ng kaukulang kaso ang ilang sundalo na naghayag ng planong pag-atras ng suporta sa administrasyong Marcos.
Matatandaan na kamakailan, inamin ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na may maliit na grupo ng mga sundalo na sinasabing nagbanta ng pagbawi ng kanilang suporta sa kasalukuyang administrasyon.
Sinabi ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na matagal nang alam ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ganitong impormasyon.
Gayunman, tiniyak ni General Brawner sa Pangulo na mananatiling tapat ang buong hanay ng AFP sa umiiral na chain of command.
Ayon kay Usec. Castro, patuloy ang tiwala ng Commander-in-Chief sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas at kinikilala ng Pangulo ang kagalingan at dedikasyon ng mga ito sa tungkulin.
Naniniwala aniya si Pangulong Marcos na gagawin ng mga sundalo ang tama at nararapat, alinsunod sa sinumpaang tungkulin ng mga ito na maging tapat sa bayan, sa taumbayan, at sa chain of command.