Tinawag na “destabilization plot” ni retired Philippine Marines Colonel Ariel Querubin ang spekulasyon na tatanggalan ng pensyon ang mga retiradong sundalo na mapapatunayang sumusuporta sa inilulutong kudeta.
Una nang ibinunyag ni Cavite Fourth District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga na tatanggalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pensyon ang mga retiradong uniformed personnel na kumalas ng suporta sa pamahalaan pero itinanggi ito ng Palasyo.
Sa kabila nito, nilinaw ni Querubin na may proseso ang Armed Forces of the Philippines upang bawiin ang pensyon ng mga retiradong sundalo.
Pinag-iingat naman ng retiradong koronel ang publiko, kabilang ang mga kapwa kawal, sa mga nababasang impormasyon lalo sa social media, na maging mapanuri, iwasang magpadala sa simbuyo ng damdamin, o sa sulsol ng ilang pulitiko na mag-aklas laban sa pamahalaan.