Posibleng magkaroon ng kakulangan sa silid-aralan sa mga susunod na taon.
Ito ang sinabi ni education undersecretary Epimaco Densing III kung hindi maglalaan ang gobyerno ng sapat na pondo para sa pagsasaayos nito lalo na ang mga sinalanta ng kalamidad.
Batay sa imbentaryo ng mga classroom, nasa 91,000 na silid-aralan o 10% ang kulang sa buong bansa.
Dagdag pa ni Densing ang budgetary requirement para sa repair ng mga silid-aralan na tinamaan ng kalamidad noong 2015 ay mahigit P40-B, kung saan P16-B dito ay kailangan nang mapondohan.
Kasama rito ang rehabilitasyon ng mga classroom na nasira sa huling lindol na tumama sa Abra at bagyong Odette at Agaton.
Umaasa naman ang DepEd na maglalabas ang DBM ng P5.9-M pondo para sa mga bagong gusaling pampaaralan, P1.5-B para sa repair at mahigit P2-B para sa quick response fund sa susunod na taon.