Inamin umano ni Makati City Mayor Abby Binay ang paghihiganti laban sa desisyon ng Korte Suprema na ibigay sa Taguig City ang 10 EMBO barangay na tanging agenda kaya tumatakbo siya sa pagka-senador.
Sa campaign rally ni Congresswoman Pammy Zamora sa CEMBO kamakailan, sinabi ni Binay sa kanyang talumpati na matagal nitong pinag-isipan kung tatakbo bilang senador.
Giit niya, noong una, matagal ang kanyang pagmumuni-muni dahil hindi nalalaman ang tatakbuhin sa susunod na halalan dahil magtatapos ang kanyang termino bilang alkalde ng Makati ngayong 2025.
“Andito po ako para magkampanya para sa aking sarili dahil ngayon tumatakbo tayo sa Senado, ang dahilan po noong una, sa totoo po matagal na pagmuni-muni hindi ko pa alam ang tatakbuhin ko,” aniya.
Aniya, maraming araw siyang umiiyak dahil wala siyang magawa sa desisyon ng korte na ibigay ang 10 EMBO barangay sa Taguig City na legal na may sakop sa lugar.
Maaalala na noong 2022, nagdesisyon ang Korte Suprema na ibinabasura ang petisyon ng Makati City na hindi dapat ibigay sa Taguig City ang 10 EMBO barangays dahil legal itong magmamay-ari ng Taguig alinsunod sa itinakda ng jurisdictional boundary.
“Dahil kung tutuusin po, noong nangyari na ang masalimuot na nangyari sa mga EMBO, parang gusto ko nang mag-quit kasi hindi ko kaya ang ganito, na araw-araw kang umiiyak, tapos wala akong magawa, ung feeling of helplessness, kasi marami pang umaasa sa akin, na hindi ko mabigyan ng soljusyon ang problema at mayroon pang nangigigpit sa iyo at naninira sa iyo, sinabi ko kailangan ko ba ito, hindi ko ito kailangan,” aniya.
Dahil dito, inihayag ni Binay na tumakbo siya sa pagka-senador upang iakyat ang isyu sa Mataas na Kapulungan hinggil sa desisyon ng Korte na ibigay ang 10 EMBO barangay sa Taguig.
“So marami akong simbahan na pinagsindihan ng kandila marami po tayo, kinausap ko si Martina (Campos), kapag nakita nyo si Martina mas malaki na siya sa akin, dalaga na kaya tayo nagdesisyon na tumakbo sa Senado dahil dadalhain natin ang laban sa Senado,” ayon kay Binay.
Kung matatandaan, nitong Mayo 5, nagpalabas ng Temporary Restraing Order (TRO) ang Regional Trial Court sa Taguig na inaatasan si Mayor Binay na alisin ang lahat ng nakasagabal sa paggamit ng lahat ng government-owned facilities ng 10 EMBO barangay.
Inisyu ang order ni Executive Judge Loralie Cruz Dataha ng RTC-Taguig na nagpapatupad sa ‘final and executory’ decision ng Korte Suprema sa G. R No, 235315 na kinumpirma na nasasakop ng Taguig ang Barangay Cembo, South Cembo, Comembo, East Rembo, West Rembo, Pembo (kabilang ang Rizal), Pitogo, Post Proper Northside, and Post Proper Southside—na kilala bilang EMBOs.
Sinasabing saklaw ng kautusan ang pasilidad tulad ng health centers, covered courts, multi-purpose buildings, day care centers, parks, at iba pang government properties na nakalaan sa public use sa ilalim ng Proclamation Nos. 518 at 1916.
Subalit sa kabila nang pinal na desisyon ng Supreme Court noong 2022, hindi pumayag ang Makati na kunin ng Taguig ang lahat ng naturang pasilidad at isinara ng Makati ang ilang health center at day care center kaya hindi nagamit ng taga-EMBO barangay ang pasilidad dahil ipinagkait sa kanila ng Makati ang paghahatid ng pangunahing serbisyo.