Itinigil na ng Development Bank of the Philippines ang pagpapautang para sa modernisasyon ng mga public utility vehicles ng pamahalaan.
Ayon kay DBP President at CEO Michael De Jesus, pansamantalang sinuspinde ng bangko ang kanilang “Program Assistance to Pasada” sa unang bahagi ng taon dahil umabot na sa 40% ang past due rate ng jeepney modernization.
Binanggit ng DBP president na may mga isyung nakaapekto sa kakayahan ng mga borrower na magbayad, tulad ng biglaang pagbabago ng mga alkalde sa ruta — mula sa kumikita tungo sa hindi kumikitang linya.
Noong nakaraang taon pa itinigil ng DBP ang pagpapautang sa Metro Manila at mga lugar na walang aprubadong plano ng ruta.
Ayon kay Pres. De Jesus, hindi naging matagumpay ang programa sa nakalipas na dalawang taon, ngunit bukas pa rin ang DBP na ituloy ito kung maglalagay ng mas mataas na equity requirement dito.
—Sa panulat ni Jem Arguel