Hindi na bago sa atin ang makarinig at makapanood ng balita tungkol sa mga indibidwal na sangkot sa mga isyu o nahaharap sa kaso na ginagawang escape plan ang pagpunta sa ibang bansa.
Pero this time, mukhang wala na talagang makakatakas dahil mas pinahigpit pa ang mga imbestigasyon dahil pababantayan na ngayon ang paglabas-masok sa bansa ng mga umano’y sangkot sa flood control projects.
Mismong ang newly-appointed secretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Vince Dizon ang nag-request sa department of justice na maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) para bantayan ang mga indibidwal na may kinalaman umano sa mga palpak na flood control projects.
Pero ano nga ba ang ILBO? Sa ilalim ng kautusan na ito, pinahihintulutan ang immigration officers na bantayan ang paglabas-masok sa bansa ng mga sangkot.
Pero para malinawan kayo, tanging pagmo-monitor lang sa byahe ng mga indibidwal na nasa listahan ang saklaw ng ILBO.
Nilinaw yan mismo ng Spokesperson ng Bureau of Immigration na si Dana Sandoval sa opisyal na panayam ng DWIZ.
Para magawa ito, kukumpirmahin muna ng immigration officers kung mayroon bang inisyung hold-departure order o warrant of arrest laban sa isang indibidwal.
Ang tanong ngayon ng bayan, ano nga ba ang mangyayari kung biglaang hinainan ng warrant of arrest ang isang indibidwal habang nasa ibang bansa ito?
Ang sagot ni Spokesperson Sandoval, makikipagtulungan ang gobyerno sa Interpol para ma-track at mahuli ang nasasakdal.
Sa nasabing listahan, makikita na nanguna si Assistant Regional Director Henry Alcantara na ngayon ay sinibak na sa serbisyo; District Engineer Brice Ericson Hernandez; Hi-Tone Construction and Development Corporation President Edgar Acosta; Wawao Builders General Manager Mark Allan Arevalo; at syempre, hindi mawawala ang kontrobersyal na mag-asawang Sarah at Curlee Discaya, at marami pang iba.
Samantala, ayon kay Secretary Vince Dizon, ang pag-iisyu ng Ilbo ay gagamiting instrumento para hindi magkaroon ng delays sa imbestigasyon nang sa ganon ay makuha ng mga pilipino ang hinihingi nilang hustisya para sa marangal nilang pinagtatrabahuhang pera.