Nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa mga medical frontliners sa lungsod na samantalahin ang pagkakaroon ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y kasabay ng dumating na 1,870 doses ng COVID-19 vaccines na gawa ng Sinovac at 1,000 doses ng AstraZeneca.
Mababatid na ang mga nabanggit na ang mga bakunang gawa ng Sinovac at nakalaan sa Sta. Ana Hospital, habang ang AstraZeneca vaccines naman ay para sa Ospital ng Maynila.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Moreno na mula noong ikasa ang vaccine rollout sa lungsod, 102 medical frontliners ang tinamaan ng COVID-19.
Nasa 92 sa mga ito ang hindi pa nakakatanggap ng bakuna habang ang 10 iba pa ay nakatanggap na ng bakuna.
Sa ngayon, ani Moreno, bagamat tinamaan ang mga ito ng virus, kahit papaano aniya ay may panlaban na sila sa bagsik ng virus. —ulat mula kay Aya Yupangco