Hinigpitan na ng Philippine National Police ang seguridad sa Abra sa kabila ng desisyon ng Commission on Elections na huwag isailalim sa kanilang control ang lalawigan.
Ang pagsasailalim sa isang lugar sa Comelec control ay nangangahulugang may mataas na posibilidad ng election-related violence at kinakailangan ng tulong ng PNP upang mapigilan ito.
Inatasan na ang police commanders na tiyaking hindi mauulit ang insidente sa bayan ng Pilar kung saan nagbarilan ang ilang pulis at bodyguards ng isang incumbent vice mayor na tumatakbo sa halalan.
Alinsunod ito sa utos ni Maj. Gen. Valeriano de Leon, direktor ng PNP directorate for operations at concurrent deputy commander ng National Security Task Force on National and Local Elections.
Nagsampa na rin ng kaso ang mga pulis laban sa incumbent mayor at vice mayor ng Pilar.
Ilang taon na anyang nasa election security watchlist ng PNP ang Abra habang ang bayan ng pilar ay nasa yellow category kasama ang iba pang bayan ng Dolores, Penarrubia, Pidigan, Tayum, San Juan, Tineg at lagayan.