Aminado ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na malaking hamon para sa kanila ang 15 araw na pagpapalawig sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa ilang lugar sa bansa.
Ito’y sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pulis na pinadapa ng sakit dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na batay sa pinakahuling datos ay pumalo na sa 78.
Ayon kay PNP Spokesman P/Bgen. Bernard Banac, gagawin nila ang lahat ng paraan upang mahigpit na maipatupad ang seguridad na naglalayong mapigilan ang pagdami ng mga dinadapuan ng sakit dahil sa virus.
Pagtitiyak pa ng PNP, hindi magiging hadlang ang pagdami ng mga pulis na ginugupo ng sakit dahil sa COVID-19 sa kanila namang pagtupad sa kanilang tungkulin na pagsilbihan at protektahan ang publiko.
Giit pa ni Banac, may mga sapat na kagamitan at suportang medikal aniya ang PNP at nagsasagawa din sila ng regular na rotation sa mga pulis na nakatalaga sa quarantine checkpoints.
Ito aniya’y upang mabigyang pagkakataon ang mga pulis na sumailalim sa self-quarantine at maghanda para sa kanilang muling pagsabak bilang frontliners.