Mismong ang Department of Budget and Management (DBM) ang nanguna, sa pakipagtulungan ng mga katuwang sa sektor ng edukasyon, ang paglunsad ng isang open data initiative na naglalayong palakasin ang transparency at accessibility ng impormasyon sa sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng programang Project Bukas.
Sa pangunguna nina DBM Sec. Amenah Pangandaman at Department of Education Secretary Sonny Angara, inilunsad ang programa sa Parañaque National High School noong Lunes, Setyembre 29, 2025.
Layunin ng Project Bukas na gawing mas bukas at madaling ma-access ang mahalagang mga datos kaugnay ng paaralan, mag-aaral, at resulta ng edukasyon sa isang online platform.
Ang ‘Project Bukas,’ na hinangad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magbigay ng kapangyarihan sa mamamayan na makiisa sa tinatawag na proof-based or data-driven campaign laban sa korapsiyon ay inilarawan bilang pinalawak at mas pinagaan na bersyon ng umiiral na Freedom of Information policy ng pamahalaan, na nagbibigay ng karapatan sa taumbayan na magkaroon ng access sa impormasyong hawak ng mga ahensya ng gobyerno – maliban na lang sa mga sensitibong usaping may kinalaman sa pambansang seguridad at pribadong impormasyon.
Sinabi ni Pangandaman na ang proyekto ay bahagi ng adbokasiya ng Philippine Open Government Partnership na kanyang pinamumunuan, upang isulong ang pananagutan at pagiging bukas ng pamahalaan sa taumbayan.
“Bilang tagapangulo ng Philippine Open Government Partnership, ikinagagalak kong makita na ang DepEd ay sumusuong sa ganitong hakbangin. Layunin ng proyektong ito na magbigay ng maaasahang datos upang maging gabay sa mga desisyong nakabatay sa ebidensya sa larangan ng edukasyon,” mariing sabi ni Pangandaman.
Ang sentro ng proyekto ay ang Paaralang Bukas Dashboard – isang online na plataporma kung saan maaaring makita ng publiko ang datos hinggil sa bilang ng mga mag-aaral, resulta ng pagsusulit, konektibidad sa internet, bilang ng guro, at kondisyon ng mga pasilidad ng paaralan.
Sinasaklaw rin ng dashboard ang mga pangunahing serbisyo kagaya ng kuryente at tubig, na layuning bigyang-linaw ang mga kakulangan at aspeto na dapat pagtuunan ng pansin ng mga magulang, guro, pamahalaang lokal, at buong komunidad.
Ayon kay Sec. Amenah Pangandaman, malaking tulong ang Project Bukas upang matugunan ang matagal nang mga tanong hinggil sa pondong inilalaan sa edukasyon at ang aktwal na epekto nito.
“Ang Project Bukas ay isang mahalagang hakbang hindi lamang para makahanap ng sagot sa mga batayang tanong, kundi para maitayo ang isang kapaligiran sa pagkatuto na nakabatay sa tiwala, datos, at kolektibong pagkilos ng komunidad,” dagdag ni Pangandaman.
Sa kaniyang pahayag, binigyang-diin naman ni Secretary Angara na ang proyekto ay isang pinagsamang hakbang ng iba’t ibang sektor.
“Hangad po naming makipagtulungan sa publiko at pribadong sektor. Ito ay isang kolektibong responsibilidad na hindi namin magagampanan nang kami lamang,” aniya.
Suportado ang Project Bukas ng iba’t ibang pribadong institusyon, civil society organizations, research groups, at ng Evidence for Education (E4E) Coalition. Ayon sa mga opisyal, sumasalamin ito sa whole-of government at whole-of-nation approach ng pamahalaan upang matiyak ang pagiging epektibo at accountable ng paggastos sa edukasyon.
Ibinahagi rin ni Angara ang naging papel ng DBM sa pagsusulong ng open governance, kabilang na ang Open Government Initiative noong 2022. Binanggit niyang ang transparency sa budget allocation ay mahalaga lalo na’t target ng DepEd na makuha ang pinakamalaking bahagi ng pambansang budget sa 2026.
Dagdag pa niya, ang paggamit ng dashboard ay makatutulong upang maiwasan ang mga iregularidad sa mga proyekto sa mga paaralan.
“Dahil sa Project Bukas, makikita na mismo ng mga stakeholder ang aktwal na kondisyon ng mga paaralan. Ang pagiging bukas na ito ay makakatulong upang maiwasan ang maling paggamit ng pondo at makahikayat ng suporta mula sa LGUs at pribadong sektor,” ani Angara.
Samantala, sinabi ni Pangandaman na ang Project Bukas ay umaakma rin sa iba pang mga transparency tools ng DBM gaya ng: Budget Analytics Dashboard para sa real-time fund monitoring; Project DIME na gumagamit ng satellite at geo-tagging upang masubaybayan ang mga proyekto ng DepEd, at ang; PhilGEPS Open Data platform para sa mas bukas na proseso ng procurement.
Ipinahayag din ng Kalihim na inirekomenda ng DBM ang ₱1.224 trilyon na budget para sa sektor ng edukasyon sa taong 2026 – ang pinakamataas na inilaang pondo sa kasaysayan ng bansa. Katumbas ito ng 4% ng GDP, alinsunod sa rekomendasyon ng UNESCO.
“Ginawa na namin ang lahat upang manatiling pangunahing prayoridad ang edukasyon sa pambansang budget. Ito ay para sa kinabukasan ng ating mga anak at ng mga susunod pang henerasyon,” ani Pangandaman.